4 miyembro ng holdap gang tiklo
PANGASINAN, Philippines —Kalaboso ang binagsakan ng apat na kalalakihan na sinasabing kasapi ng gun-for-hire at robbery group makaraang maaresto ng mga awtoridad sa kanilang hideout sa Brgy. San Leon sa bayan ng Umingan, Pangasinan, kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na iniimbestigahan ay sina Manny Colisao, 31, lider ng kilabot na Colisao Group na sangkot sa iba’t ibang krimen; Modesto Colisao, 25; Alver Mendoza, pawang mga residente ng Brgy. Banaoang, Malasiqui; at si Jojo Torio, 21, ng Brgy. Labit, Villasis.
Ang grupo ni Colisao ay isinasangkot sa pagpatay kina Luisito Gabat Sr., isang school principal, noong Marso; dating Barangay Captain Flor Benitez ng Brgy. Gomez, Malasiqui; at kay Engr. Domingo Ballesteros, economic enterprise office ng bayan ng Calasiao.
Napag-alaman pa na ang grupo ay sangkot din sa mga nakawan, holdapan sa third, fourth, fifth at sa sixth districts kung saan ang karaniwang biktima ay mga negosyanteng Bumbay at mga messenger ng door-to-door delivery.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang baril, dalawang granada, dalawang magasin ng cal.45, at ilang bala para sa dalawang baril. Cesar Ramirez
- Latest
- Trending