CAVITE, Philippines– Isang preso sa Dasmariñas Municipal Jail sa Dasmariñas, Cavite ang natagpuang patay sa kanyang selda kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang preso na si Dolorico Pedrosa, 44-anyos, karpintero ng Barangay Burol 2 ng bayang ito.
Nakulong si Pedrosa dahil sa panggagahasa umano niya sa sarili niyang anak na babae.
Bandang alas-4:00 ng madaling-araw nang mapansin ng ibang mga preso na hindi na humi hinga si Pedrosa sa pagkakahiga nito sa loob ng selda. Isinugod siya sa ospital pero idineklara na siyang patay.
Ayon sa ilang preso, dalawang beses nang nagtangkang magpakamatay si Pedrosa dahil sa sumbat ng budhi kaugnay ng pang-aabuso niya sa kanyang anak bukod sa hindi siya dinadalaw ng mga miyembro ng kanyang pamilya. (Cristina Timbang)