BULACAN, Philippines — Siyam na pribadong sasakyan na pinaniniwalaang kinarnap at nakatakdang katayin ang nadiskubre makaraang salakayin ng mga awtoridad kamakalawa ang malaking bodega na pi nagtataguan ng mga sasakyan sa bisinidad ng Miraflor Subd., Brgy. Burol sa bayan ng Balagtas, Bulacan.
Kabilang sa mga sasakyang nakatakdang chap-chapin ay ang Sportivo, 2-Mitsubishi Pajero na may plakang BCW-227 at EVO-223; Izusu Highlander,Volkswagen (BDK-720); Nissan Zafari (TMJ-863), Mitsubishi Eclipse (UNN-901), at Toyota Prado.
Nasamsam din ng mga awtoridad ang iba’t ibang plaka ng mga sasakyan na pinaniniwalaang na chop-chop at nakatakdang ipagbili sa mga surplus na tindahan sa Banawe, Quezon City at sa bayan ng Bacoor, Cavite.
Naaresto naman ang dalawang suspek na sinasabing kumakatay ng mga sasakyan na sina Mac Reyes y Cabalo, 50, ng Barangay Tabang, Guiguinto at Jesther Dela Cruz y Javier, 29, ng Santiago City, Isabela.
Base sa police report, naunang inalarma ang pagkawala ng Nissan Urvan na may plakang ZKE-516 na kinarnap sa Brgy. Mojon, Malolos City noong Lunes ng gabi.
Sa follow-up operation ng pulisya, namataan ang nabanggit na sasakyan na nakaparada sa pintuan ng bodega kung saan kinumpirmang may iba pang sasakyan sa loob na nakatakdang katayin.
Dito na sinalakay ng mga awtoridad ang nabanggit na bodega at na diskubre ang mga sasakyang kinarnap. – Boy Cruz