BULACAN, Philippines — Niratrat at napatay ang isang sekretarya ng presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) ng ‘di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Barangay Pulong Buhangin sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon.
Hindi na umabot ng buhay sa Mendoza General Hospital sa Barangay Poblacion si Cynthia Calo y Galisanao 44, may-asawa, sekretarya ni ABC President Rodolfo Casas ng Brgy. San Gabriel.
Dalawang tama ng bala ng baril sa kanang dibdib at braso ang tumapos sa buhay ng biktima.
Base sa police report, naglalakad ang biktima kasama ang pamangking si Sarah Galisanao sa kahabaan ng Km. 38, para mamili ng makakain bago umuwi nang lapitan at ratratin sa harapan ng Mersandi Pharmacy.
Nakatakas naman ang gunman sakay ng motorsiklo na walang plaka patungong bayan ng Norzagaray.
Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong pulitika ang isa sa motibo ng krimen dahil ang biktima at ang ABC president ay kilalang kaalyado ng kasalukuyang alkalde sa nabanggit na bayan. (Boy Cruz)