MANILA, Philippines – Isang pari ang binaril at napatay ng tatlong hinihinalang holdaper nang palagan niya ang mga ito sa Talisay City, Cebu kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rev. Fr. Jovencio Rabusa, 46-anyos, team minister ng Naga Parish Church sa Naga, Cebu.
Ang biktima ay nasapol ng tama ng bala sa batok, tiyan at kaliwang kamay na nasawi habang umuusal ng panalangin.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Supt. Henry Biñas, hepe ng Talisay City Police, naganap ang insidente sa Barangay Cansojong, Talisay City dakong alas -8:30 ng gabi.
Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulo ng pagnanakaw sa motibo ng pamamaslang sa biktima dahil nawawala ang dalawang cell phone nito.
Hindi naman nagawang matangay ng mga suspect ang pitaka, pulseras at relos ng biktima.
Ang insidente ay naganap habang naka-sibilyan ang biktima na nagjo-jogging at bibisita sa kaniyang mga magulang at kapatid sa nasabing lugar nang harangin ng mga armadong suspek.
Ayon sa kapatid ni Rabusa na si Susan, na-text pa siya ng biktima sa kanyang cell phone bago naganap ang insidente.