KIDAPAWAN CITY, Philippines — Lima-katao ang sinasabing namatay habang 30-iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang bomba na itinanim sa harapan ng Immaculate Concepcion Cathedral sa Quezon Avenue, Cotabato City, kahapon ng umaga.
Napakaraming estudyante sa lugar nang maganap ang pagsabog dahil ang misa ay para sa mga estudyante ng Notre Dame University sa Cotabato.
Kabilang sa mga nasawi sina Ruby Ramirez, 43, ng Brgy. Bulalo sa Sultan Kudarat, Maguindanao; Prince Salem Cang Diaz, apo ni Patricio Diaz, dating editor-in-chief ng The Mindanao Cross sa Cotabato City; Paulo Kahar, Elmer Noble 32, at isang ‘di-pa kilalang lalaki na pinaniniwalaang may dipe rensiya sa pag-iisip.
Putol ang dalawang paa ng isa sa nasawi kung saan nakadikit ang mga kamay nito sa poste ng kuryente ng Cotabato Light and Power Company na nasa tabi mismo ng Elsie Omega lechon house na pag-aari ni Ramirez.
Sina Kahar at Diaz ay namatay habang ginagamot sa Cotabato City Emergency and Medical Specialist Hospital dahil sa bomb shrapnel sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sugatan at isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center at Cotabato City Emergency and Medical Specialist na sina Jay C Cergas, 29; misis nitong si Priscilyn, 27; at anak na si Vincent Jay, 3; Datu Manod Abedin, Nestor Luna, 29; Rey Silo Callado, 38; Rosita Echavez, Sonny Ilian, Purificacion Alviar, Rodrigo Ominga, Mado Guiamad, Jocelyn Abdulla, 38; Ferdinand Benora, 27; Gramatica Purling, Mohammad Tipadan, Maricel Escanel, 29; Jerrimae Dapilan, 18; Junreil Sayre, 9; Danisa Sayre, 11; Joeffrey Sayre, 1; Giovanni Lomigcit, 19; Jayvil Joy Caida, 13; Sgt. Freddie Millan, kumander ng Cafgu; Aldrian Sinapilo, Amilil Kahabudin, Torla Arliechos, Jun Parcon, Weng Garcia, Zacaria Ampang at ang pitong sundalo na nagbabantay sa harapan ng nabanggit na katedral.
Naaresto naman ang isang lalaki na ‘di-muna isiniwalat ang pangalan na sinasabing nag-iwan ng bagahe sa lechon house na nasa harapan ng nasabing katedral.
Mariin namang kinondena ni Archbishop Orlando Quevedo, OMI, ng Archdiocese of Cotabato, ang pag-atake at tinawag niya itong isang ‘sacrilege’ o paglapastangan sa tahanan ng Diyos.
“The Church they attacked is a place of refuge, even for criminals. People were worshipping when the bomb went off. This is not just a crime, this is a sacrilege,” ayon kay Quevedo na nagmisa noong oras na sumabog ang bomba.
Napag-alamang patapos na si Bishop Quevedo sa kanyang homily nang sumabog ang bomba.
“When I heard the blast and saw smoke, I told my parishioners to stay calm and not panic. But I can’t control the crowd,” dagdag pa niya.
Samantala, nagtayo naman ng information desk si Quevedo kung saan maaaring makipag-ugnayan ang mga tao na nais magkaloob ng tulong sa mga biktima, o ‘di kaya’y sa mga naghahanap ng impormasyon para sa kanilang mga nawawalang kaanak.
Ipinag-utos na rin ni Cotabato City Mayor Mus limin Sema, ang pagpapaigting ng seguridad sa buong lungsod, kasunod ng panibagong insidente ng pambobomba. (Dagdag ulat ni Mer Layson at Ricky Tulipat)