DAGUPAN CITY, Pangasinan, Philippines — Isang anak na nurse ng broadcaster ang binaril at napatay ng motorcycle-riding assassin kahapon ng madaling-araw sa bisinidad ng Barangay Tambac, Dagupan City, Pangasinan.
Napuruhan ng bala ng baril sa kidney si Zharlene “Yen-yen” Yadao, 24, registered nurse at residente ng nabanggit na lugar.
Si Zharlene ay anak nina Noli Yadao at lady broadcaster Susan Yadao ng Aksyon Radyo Pangasinan.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Luis Mariano Verzosa Jr., hepe ng Dagupan PNP, lumilitaw na papauwi na ang biktima mula sa Medical Centrum bilang clinical instructor nang lapitan at barilin sa kaliwang balikat na pumasok sa mga vital organs nito.
“Malayo ang ginapang ng bala. Wala siyang exit,” pahayag ni Dr. Benjamin Bautista ng City Health Office.
Nabatid na nakatanggap ng text message ang biktima noong Lunes na pinagbabantaan ang kanyang buhay, ayon sa ina ng dalaga.
Nakilala naman ng lady broadcaster ang nag-text sa kanyang anak subalit pansamantalang hindi ibi nunyag ang pagkakakilanlan para hindi ma-preempt ang imbestigasyon.
Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong robbery dahil nawawala ang mobile phone ng biktima pero ang pitaka na naglalaman ng malaking halaga ay naka-intact.
Inatasan naman nina Dagupan City Mayor Alipio Fernandez Jr. at Governor Amado Espino Jr., ang kapulisan na kumilos at seryosohin na resolbahin ang pamamaslang sa biktima.