LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Tatlong miyembro ng notoryus holdap gang ang iniulat na napatay makaraang makipagbarilan sa pulisya kamakalawa ng madaling-araw sa bahagi ng Sitio Bugnaw, Brgy. Paiisa, sa bayan ng Tiaong, Quezon. Ayon kay P/Senior Supt. Elmo Francis Sarona, Quezon PNP Director, bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng tatlo na may mga tattong Sputnik sa katawan. Napag-alamang lulan ng traysikel ang limang kalalakihan nang harangin ng pangkat ni P/Insp.Fernando Reyes III sa PNP checkpoint. Nang sitahin ay kaagad nagpaputok ng baril ang grupo ng holdaper at sa kabutihang palad ay walang tinamaan sa mga pulis. Dito na gumanti ng putok ang mga pulis at bumulagta ang tatlo. - Tony Sandoval at Arnell Ozaeta