BAGUIO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang kapabayaan sa tungkulin, kaya sinuspinde ng pamunuan ng Civil Service Commission ng tatlong buwan ang isang lokal civil registrar ng bayan ng Dolores, Abra.
Sa isinagawang imbestigasyon ng CSC, lumilitaw na ginamit ang oras ng pamahalaan para magpa-manicure ang local registrar na si Loraine Agatha Turqueza kung saan tatlong buwang itong suspendido at walang matatanggap na suweldo.
Bukod sa pagiging pabaya sa tungkulin ay inirereklamo rin ang pagiging arogante nito sa mga residenteng nakikipagtransaksyon sa munisipyo.
Ayon kay Dolores Mayor Albert Guzman, si Turqueza ay lumabag sa Code of Conduct ng Civil Service Commission kaya pansamantalang babakantihin nito ang puwesto simula Hunyo 19 hanggang Setyembre19, 2009.
Umapela pa si Turqueza sa punong tanggapan ng CSC subalit binalewala ang kanyang alibi at itinuloy ang suspension.
Kasunod nito, hindi nagtatapos ang kalbaryo ni Turqueza kung saan ay muling masususpinde ng 3-buwan matapos mapatunayan naman ng Office of the Ombudsman na tumanggap ito ng P400 mula sa marriage contract applicant sa bayan ng Dolores nang walang ibinigay na resibo kung saan hindi naayon sa tungkulin ng isang civil registrar base na rin sa Local Government Code.
Ipinag-utos din ng Ombudsman na sampahan ng kasong estafa si Turqueza bukod pa sa administrative penalty na ipinataw ng CSC. - Artemio A. Dumlao