BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng dalawang kalalakihan na sinasabing karnaper makaraang maaresto ng pulisya sa bisinidad ng Barangay Poblacion sa bayan ng Marilao, Bulacan kamakalawa. Pormal na inasunto ang mga suspek na sina Azriel Margaya, 30, ng Sitio Sulok, Brgy.Saluysoy, Meycauayan City at Jay Jurado, 39, ng Constantino Subd., Brgy. Poblacion, Marilao.
Napag-alamang nagreklamo sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Enrico Calma ng Brgy. Duhat, Bocaue, Bulacan kaugnay sa pagkawala ng kanyang owner-type jeep (CJX 936) noong Linggo ng umaga sa Brgy. Sta. Rosa sa harapan ng Devine Shrine Mercy.
Sa follow-up operation ng pulisya, nabawi ang sasakyan ng biktima at naaresto ang dalawa sa tatlong suspek. (Boy Cruz)