BATANGAS, Philippines – Binaril at napatay ang isang executive ng pribadong kompanya matapos itong holdapin ng mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Sta. Maria, sa bayan ng Talisay, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Inspector Ferdinand Ancheta, hepe ng Talisay PNP, ang biktimang si Raymund Bugayon, 41, nangungupahan sa Brgy. Zone 2, Talisay, Batangas at isang regional sales director ng FeedMix Specialist Incorp.
Sa police report, lumilitaw na lulan ng Hyundai Tucson si Bugayon habang tinatahak ang kahabaan ng highway sa Brgy. Bugaan West sa bayan ng Laurel nang harangin ng mga armadong suspek bandang alas-5:30 ng hapon.
Bandang alas-6:30 ng gabi nang matagpuan ng mga residente ng Brgy. Sta Maria, Talisay si Bugayon na duguang nakahandusay sa loob ng kanyang kotse.
Posibleng nanlaban ang biktima kaya ito binaril kung saan inabandona sa nabanggit na barangay.
Tinangay ng mga holdaper ang laptop at cellphone ng biktima habang inaalam pa ng pulisya kung may natangay na koleksyon. Arnell Ozaeta