'Mangkukulam' inutas ng magsasaka
MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang misis na inakusahang mangkukulam kung saan pinagbabaril at sinaksak hanggang sa mapatay ng magsasaka sa Brgy. Anonang sa bayan ng San Guillermo, Isabela, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni P/Chief Supt. Roberto Damian, ang napatay na si Carmelita Peralta, 44, ng nabanggit na barangay.
Naaresto naman at nahaharap naman sa kasong murder ang suspek na si Ariel Acoba.
Sa naantalang ulat, na lumilitaw na nag-ugat ang krimen dahil sa inakusahan ng suspek ang biktima na siyang kumulam sa biyenang si Baldo Narne.
Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na dinapuan ng matinding karamdaman ang biyenan ng suspek sa hindi maipaliwanag ng mga doctor kung saan sinasabing sanhi ng kulam.
Nagpasya ang suspek na akusahan ang biktima na responsable sa pagkakasakit ng kanyang biyenan at tumanim sa isip nito ang napapabalitang lahi ng mangkukulam ang pamilya Peralta sa kanilang bayan.
Kasunod nito, kaagad na kinuha ang baril at itak, sinugod ng suspek ang bahay ng mga Peralta subalit ang mister ng misis ang kaniyang nadatnan.
Nang malamang nasa tahanan ng ina na maysakit ay sinundan ng suspek at nang matiyempuhan ay mabilis na pinagbabaril at upang masigurong hindi siya mabubuweltahan ng kulam ay pinagsasaksak ito upang tiyakin na hindi na mabubuhay pa ang misis.
- Latest
- Trending