MANILA, Philippines - Nagpa-load at nag-text muna sa kaniyang celpon ang isang ‘di-pa kilalang lalaki bago pinagbabaril hanggang sa mapatay ang barangay chairman sa Jolo, Sulu kamakalawa ng gabi. Dalawang bala ng baril sa ulo at tiyan ang tumapos sa buhay ni Chairman Yusuf “Boy” Isnani ng Brgy. Busbus sa kapitolyo ng Jolo.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na bago ang pamamaril, nagpa-load pa ang ‘di-kilalang lalaki sa isang tindahan saka nagtanong pa sa tindera kung saan matatagpuan ang bahay ni Chairman Isnani na noo’y nakatayo sa harapan ng kanilang bakuran.
Nang ituro ng tindera si Isnani, ay kaagad na nilapitan at dalawang ulit na binaril. Dalawang anggulo ang sinisilip ng pulisya kung saan sinasabing may kaugnayan sa pulitika. Joy Cantos