Pusher tiklo

KAMPO ALEJO SAN­TOS, Malolos City, Philippines – Na­da­kip kahapon ng pulisya sina Aramis Devin Crisos­tomo, 24 anyos, binata; at Erickson Lorete, 20, tricycle driver, ma­karaang maaktuang nag­bebenta ng marijuana sa mga estud­yante sa Taal National High School sa Ba­rangay Taal, Plaridel, Bu­la­can. Na­kum­­piska sa mga suspek ang isang brick ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,839, ilang piraso ng naka-pake­teng marijuana, dalawang cell­ phone, P1,470 kita ng mga ito at isang Ya­maha mo­torsiklo na walang plaka na ginagamit sa iligal na transaksyon. (Boy Cruz)

Kaanak ni Roco pinatay

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Isang ne­gos­yante na pamangkin ni dating Senador Raul Roco ang pinagbabaril hanggang mapatay ng hindi pa nakikilalang salarin habang nagdi-jogging siya kasama ng kanyang asawa sa Balatas Road sa harapan ng Basilica Church, Barangay Balatas, Naga City kamakalawa ng umaga. Kinilala ang biktima na si Pablo Roco, 44, residente ng Parkview Village, San Felipe ng naturang lun­sod. Sini­siyasat pa ng pulisya ang insidente. (Ed Casulla)

Banko hinoldap

ANGAT, Bulacan, Philippines – Hinoldap ng may limang di nakilalang lalaki ang Cooperative Rural Bank of Bulacan na nasa Barangay San Roque sa bayang ito kahapon ng umaga. Umaabot sa P4 na milyon ang natangay ng nakata­kas na mga holdaper. (Boy Cruz)

Karne ng aso nasabat

MANILA, Philippines - Nasabat ng mga operatiba ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang 250 kilo ng karne ng aso sa Kennon Road habang ibinibiyahe ito patungong Baguio City kamakalawa. Ayon kay HPG-Cordillera Chief, Sr. Supt. Romeo Cachola Ver, nagsasagawa ng operasyon ang kanyang mga tauhan laban sa hijacking, colorum at carnapping nang maharang ang Mitsubishi L300 van na may plakang TET 514 dahil sa hindi pagsusuot ng seatbelt ng driver. Nang inspek­syunin ang sasakyan, nadiskubre ng mga awtoridad ang limang sako ng kinatay na aso na nagmula pa sa Laguna. (Joy Cantos)

Show comments