PANGASINAN, Philippines —Isang batang lalaki ang nailigtas sa tiyak na kamatayan makaraang i-hostage ng isang mister na pinaniniwalaang may diperensiya sa pag-iisip kung saan umabot sa may 11-oras ang hostage-drama sa Barangay Poblacion sa bayan ng Sual, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si John Chris Navarro, 5, na hinostage ni Narciso Mandapat, 50, ng Barangay Maticmatic, Sta. Barbara.
Napatay si Mandapat sa rescue operation, samantalang nagtamo ng sugat sa leeg ang batang hostage sanhi ng pananaksak ni Mandapat.
Bago maganap ang hostage-drama, si Mandapat ay dinala sa himpilan ng pulisya hanggang sa nagwala at nagtatakbo kaya hinabol ng mga pulis.
Subalit mabilis itong nakapasok sa bahay ng pamilya Navarro kung saan ay kinuha nito ang batang si John Chris at nagtungo sa abandonadong bahay at doon na hinostage ang batang Navarro.
Ayon kay P/Supt. Wilson Joseph Lopez, group director ng Special Operations Group ng Pangasinan PNP, na sinikap nilang kumbinsihin ang hostage-taker na sumuko ng mapayapa, subalit sinimulan na nitong saktan ang batang biktima kung kayat wala ng ibang paraan kundi barilin si Mandapat para mailigtas ang biktima.
Mabilis na isinugod ang batang biktima sa Alaminos City Doctors Hospital kungsaan ay nagpapagaling na ito. Cesar Ramirez