CAUAYAN CITY, Isabela, Philippines – Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu dahil sa pagkalango sa droga ang isang ama kaya nagawang gilitan sa leeg ang kanyang anak na lalaki kamakalawa sa Brgy. Mabantad, sa Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang suspek na traysikel drayber na si Robert Galiza, 43, habang ang biktima naman ay si Aldrin, 9. Sa imbestigasyon, lumilitaw na mainit ang ulo na umuwi si Galiza mula sa kasiyahan kung saan ay ginulpe nito ang kaniyang misis kaya nag-iiyak at nagtatakbo na humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay. Inimbitahan naman sa barangay si Roberto matapos itong sunduin ng mga barangay tanod pero pinauwi naman dahil kumilos ito ng normal saka nag-sorry sa kaniyang misis.
Gayon pa man, pag-uwi ay nakakita ng mga demonyo ang suspek na sinabi nitong sumusunod sa kaniya kaya nag-amok ito at ginilitan ang natutulog na anak. Victor Martin