BATANGAS CITY, Philippines – Trahedya na naman sa dagat ang sumalubong sa 12-katao makaraang malunod sa paglubog ng isang motorized bangka kung saan aabot naman sa 52 ang nailigtas kahapon ng tanghali sa karagatan ng Batangas.
Kabilang sa mga biktimang nasawi ay sina Franco Eugenio, 3, ng White Plains, Quezon City; Anton Cruz, 2, ng White Plains; Gregonia Pabliko, 58, ng Sta Cruz, Manila; Albino Pabliko, 55; Beta Bardin, 2, ng Sta Mesa; Melanie Berdin, 30; Desiree Teodoro, 20, ng Taytay, Rizal; Joana Perez, 25, ng Batangas; Mina Ricci Cads ng Rizal; Daisy Eugenio ng Quezon City; Hosotani Shoji at isang yaya Tess.
Sa ulat ni Lt. Commander Troy Cornelio, commander ng Batangas Coast Guard, bandang alas-11 ng umaga nang maglayag ang M/B Commando Sais mula sa Batangas port papuntang White Beach sa Puerto Galera nang masira ang katig nito sa karagatang sakop ng Balahibong Puti Point.
Nabatid na hinampas ng malalaking alon ang banka hanggang sa bumigay ang katig nito at tuluyang lumubog bandang alas-12 ng tanghali.
Mabilis naman nagpadala si Lt Cmdr. Cornelio ng dalawang rescue vessel sa area para sagipin ang mga pasahero kabilang na rin ang ilang private banca operators sa Puerto Galera.
Pansamantalang dinala ang mga nasawi sa Puerto Galera samantalang dinala naman ang mga nakaligtas sa ospital ng bayan. Dagdag ulat ni Joy Cantos