RODRIGUEZ, RIZAL, Philippines – Tadtad ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang matagpuan ang bangkay ng isang mag-asawang matanda sa loob ng kanilang bahay kahapon ng umaga sa bayang ito.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jesus Bene dicto, 70, at Natividad, 70 anyos, mga magsasaka at naninirahan sa liblib na barangay sa Sitio Calumpit, Barangay Macabud, ng bayang ito.
Sa ulat ng Rodriguez municipal police, dakong alas-8 ng umaga nang madiskubre ang mga bangkay ng mag-asawang matanda ng mga batang naglalaro sa bakuran ng tahanan ng mga ito. Agad namang ipinagbigay-alam ito sa mga opisyal ng barangay na siyang humingi ng responde sa pulisya.
Sa pagsusuri ng pulisya, nagtamo ng malalalim na taga ng itak sa leeg at iba pang bahagi ng katawan ang dalawa na sanhi ng kamatayan ng mga ito.
Hinihinala naman na ilang araw nang patay ang mga biktima dahil sa nag-uumpisa nang maagnas ang mga bangkay.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang mga suspek na pumaslang sa mga biktima. Ilang kapitbahay naman ang inimbitahan ng pulisya upang kunan ng pahayag. (Danilo Garcia)