Richard sugatan sa car crash, alalay todas
CAVITE, Philippines – Sugatan ang matinee idol na si Richard Gutierrez habang nasawi ang isa sa kanyang mga alalay nang mabangga ang kanyang kotse sa Silang, Cavite kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Silang Police Chief Superintendent Danilo Buentipo, lulan si Gutierrez, 25, at mga alalay na sina sina Nomar Pardo at George Mascora, sa isang Nissan Skyline GTR sports car at binabagtas ang kahabaan ng Sta. Rosa-Tagaytay road sa Barangay Puting Kahoy nang sumalpok ang kotse sa isang poste ng kuryente bandang ala-1:20 ng madaling-araw.
Batay sa ulat, namatay habang ginagamot sa Adventist University of the Philippines Hospital si Pardo dahil sa malubhang sugat sa ulo at katawan samantalang isinugod naman sina Gutierrez at Mascora sa Ospital ng Tagaytay para sa minor injuries. Inilipat din ang dalawa sa Asian Hospital sa Muntinlupa ilang oras makalipas malapatan ng first aid sa Tagaytay.
Sa pinakahuling ulat, inoperahan ang aktor dahil sa pinsala sa kanyang mata bagaman kinumpirmang nasa maayos na kalagayan na ito.
Ayon kay Calabarzon Police director, si Gutierrez ang nagmamaneho sa kotse nang mawalan ito ng kontrol sa isang pakurbadang bahagi ng lugar hanggang sumalpok ito sa poste ng kuryente.
Sa lakas ng pagkakasalpok, naputol ang poste ng kuryente kung saan malalim ang lugar na binagsakan ng sasakyan sa isang bangin na sumalpok pa sa isang puno ng niyog.
Pauwi na ang aktor sa kanilang tahanan galing sa shooting ng kaniyang pelikula at naka-convoy pa ang mga kasamang artista nang mangyari ang sakuna.
Dahil sa madilim at makurbada ang lugar, nawalan ng kontrol sa manibela ang aktor nang umiwas sa nakasalubong na jeep at nabangga.
- Latest
- Trending