Dalaga tinodas ng BF sa loob ng hotel

CAVITE, Philippines – Maagang nagwakas ang buhay ng isang dalaga makaraang barilin at saksakin ng kanyang boyfriend habang nasa loob ng hotel sa bayan ng Bacoor, Cavite kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni P/Supt. Renz Ortilla, Bacoor police chief, ang biktimang si Kimberly Ann Jimenez, 18, single, residente ng Evangelista Street. Pasay City.

Nakapiit naman ngayon at nahaharap sa kasong murder ang boyfriend ni Jimenez na si Paul Arman Baluyot, 18, single at resi­dente naman ng St. Joseph Village, Barangay Niyog 1, Bacoor Cavite.

Sa police report, lumi­litaw na naganap ang krimen sa loob ng kuwarto ng RL Sabater Hotel sa Barangay Talaba 7, ban­dang alas-6:20 ng umaga.

Sa salaysay ng hotel room supervisor na si Vinroc Montano, nakarinig siya ng putok ng baril sa loob ng silid ng magnobyo hanggang sa makita na lamang nito na papalabas ang suspek sa kuwarto habang bitbit ang duguang kasintahan.

Nabatid na humihingi ng saklolo si Baluyot upang madala sa ospital ang kan­yang kasintahan na tina­maan ng bala ng baril sa dibdib.

Sa inisyal na imbesti­gasyon, sinasabi ni Baluyot na aksidente lamang ang insidente, subalit malaki ang paniniwala ng pulisya na sinadya ang pagpatay sa nobya nito matapos ma­kitaan pa ng dalawang sak­sak sa katawan ng biktima.

Gayon pa man, agad na inaresto si Baluyot at kasa­lukuyang iniimbestiga­han ng pulisya matapos ma­kum­piskahan ng isang cal. 38 revolver na walang lisensya.

Show comments