CAVITE, Philippines – Winakasan ng isang municipal councilor ang sariling buhay matapos barilin at mapatay ang kanyang kasintahan sa bayan ng Mendez kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Insp. Egbert Tibayan, Mendez police chief, ang nag-suicide na si Councilor Enrique Nuestro, 69, biyudo, ng Barangay Anoling, Cerca 2 at ang pinatay na kasintahan na si Regina Bunag, 24, entertainer, tubong General Mariano Alvarez, Cavite.
Batay sa ulat ng pulisya, lumilitaw na nagkasigawan ang magkasintahan matapos bisitahin ni Nuestro, si Bunag sa apartment nito sa Zenisal Compound, Interior Barangay Galicia 2 bandang alas-12:20 ng tanghali.
Ayon kay Teresa Mahusay, isa ring entertainer at housemate ni Bunag, nasaksihan nito na binaril sa ulo ni Nuestro si Regina habang nag-uusap sa may dining table.
“Nagtatalo sila kasi parang gusto nang makipaghiwalay ni Regina kay konsehal hanggang sa magkasumbatan sila,” pahayag ni Mahusay sa pulisya.
Matapos mabaril ni Nuestro si Bunag, sinalo nito ang duguang nobya sa kaliwang braso bago naman nagbaril sa ulo gamit ang kanang kamay.
Isinugod pa sa Ospital ng Tagaytay ang dalawa pero idineklarang patay si Bunag pagdating sa emergency room, samantalang namatay naman si Nuestro bandang alas-4:40 ng hapon. Arnell Ozaeta