MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang bi nagsakan ng ex-vice mayor at apat pa nitong kasamahan kabilang ang dalawang pulis matapos maaresto dahil sa pag-iingat ng mga baril, bala at uniporme ng PNP at AFP sa Brgy. Cabalawan, Tacloban City, Leyte kamakalawa.
Isinasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina ex-Tipo-Tipo, Basilan Vice Mayor Muamar Lajid, SPO1 Darussalam Saguindilan ng Police Security and Protection Group sa Camp Crame at residente ng Country Home, Phase 4, Ayala Subd., Zamboanga City; PO3 Zaldy Sadjail ng Police Regional Office (PRO) 9; Muamar Lajid, at si Jerhan Pising.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, hinarang sa checkpoint ng mga tauhan ng Regional Security Operations Group (RSOG) at Regional Mobile Group (RMG) 8 ang kulay puting Nissan Frontier pick-up (NFI 688) ng mga suspek.
Nang sitahin ang mga suspek ay walang maipakitang kaukulang dokumento na magpapatunay na legal ang kanilang pagbibiyahe ng mga armas, bala at mga kagamitan ng pulis at militar kabilang ang mga uniporme na nakalagay sa walong kahon.
Nasamsam mula sa mga suspect ang 2- cal. 45 pistol, na may dalawang magazine at siyam na bala, dalawang maikli at mahabang magazine na may 28 bala, isang housing assembly ng M60 light machine gun, isang mahabang magazine ng M16 rifle, 1,117 bala ng M16 rifle at ang walong kahon ng mga uniporme ng pulis at militar gayundin ang iba pang mga kagamitan. Joy Cantos