RIZAL, Philippines – Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang isa pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang magrambulan ang dalawang grupo ng kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Sitio Epetha, Brgy. San Isidro. Namatay habang ginagamot sa Antipolo District Hospital sina Salvador Villamayor, 49; at Archie Versoza, 23, kapwa residente ng Brgy. San Isidro. Nasa Kritikal na kondisyon at ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina City si Noel Tolentino. Kalaboso matapos maaresto ang dalawa sa anim na suspek na sina Robert Lopez, at Dennis Matocinos, kapwa nakatira sa Sitio Tanglaw. Kabilang sa mga suspek na tugis ng pulisya ay ang magkapatid na Ron-Ron Panelo, at Ernesto Panelo, Joseph Baldo at isang alyas Toni. Sa ulat ni PO2 Ginnie San Antonio, lumilitaw na pawang mga lango sa alak ang dalawang grupo nang magkainitan at mauwi sa madugong rambulan kung saan nasaksak ang dalawa. - Danilo Garcia