BATANGAS, Philippines – Tatlo-katao ang kumpirmadong nasawi habang 33 iba pa ang nasugatan matapos magsalpukan ang pampasaherong bus at 6-wheeler truck sa kahabaan ng bayan ng Sto. Tomas, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga namatay ay si Melba Roma, samantalang nanatiling unidentified ang dalawa pang biktima na isang lalaki at isang babae na nakalagak na sa Bayrante Funeral Homes.
Sa police report na nakarating kay P/Superintendent Raul Tacaca, hepe ng Sto. Tomas PNP, binabagtas ng PP Bus Lines (TWZ-752) ang kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. San Vicente nang sumalpok sa kasalubong na 6-wheeler truck (GNS-281) bandang alas- 2:45 ng madaling-araw.
Sa inisyal na pagsisiyasat, nahulog ang bus sa may 6 na talampakang lalim na kanal ng highway matapos bumangga sa kasalubong na truck na nagresulta ng pagkamatay at pagkakasugat ng mga biktima.
“Malayo pa raw ang bus pero nakita na nila na medyo pagewang-gewang na ito sa highway hanggang mahagip ang truck,” pahayag ni Tacaca.
“Posibleng nakaidlip ang drayber ng bus kaya naganap ang trahedya,” dagdag pa ni Tacaca
Naisugod naman sa St. Cabrini Hospital, Sto. Tomas General Hospital at sa Mercado Hospital sa Tanauan City ang mga sugatang biktima.
Sumasailalim sa imbestigasyon ang drayber ng bus na si Francis Jacinto at truck driver na si Luisito Quinones sa himpilan ng pulisya na posibleng makasuhan. Arnell Ozaeta