ILAGAN, Isabela, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan makaraang magkarambola ang tatlong sasakyan sa kahabaan ng highway noong Lunes sa bayan ng Ilagan, Isabela. Ayon sa ulat ng pulisya, isang Isuzu pick-up truck at dalawang motorsiklo ang nagbanggaan na nagresulta sa pagkamatay nina Jowell Balanay at Isidro Abu na kapwa residente ng Cauayan City, Isabela. Maliban sa dalawang nasawing biktima ay idineklarang ligtas naman ang tatlong sakay ng motorsiklo matapos isugod sa ospital. Tugis naman ng pulisya ang drayber ng truck na mabilis tumakas matapos ang aksidente. Victor Martin
Escort inutas sa hotel
MANILA, Philippines - Binaril at napatay sa loob ng hotel ang escort ng isang pulitiko kamakalawa ng gabi sa Cotabato City. Kinilala ni P/Senior Supt. Willie Dangane, ang biktima na si Abs Mongkal, security escort ni Datu Jamael Sinsuat. Bandang alas-11:10 ng gabi nang maganap ang pamamaslang kung saan hinihintay ng biktima si Datu Sinsuat sa loob ng lobby ng El Manuel Hotel sa kahabaan ng Pendulum Avenue. Agad na tumakas at sumakay sa naghihintay na kasamahan sa motorsiklo. Kabilang sa iniimbestigahan ay ang anggulong pulitika at paghihiganti bunga ng personal na alitan. Joy Cantos
Dinukot na bata nabawi
BATAAN, Philippines – Nabawi ng mga awtoridad ang dinukot na batang babae habang naaresto naman ang sinasabing kidnaper kamakalawa ng gabi sa Barangay Townsite sa bayan ng Mariveles, Bataan. Pormal naman kakasuhan ni P/Chief Inspector Ruben Solomon Tampis, ang suspek na si April Rose Mardo, 21, na sinasabing kalaguyo ng ama ng bata. Nabatid na hiniram lamang ng suspek ang bata sa tagapag-alagang lolo na si Mario Jesus Merritt, noong Abril 30 mula sa kanilang tirahan sa Antipolo City, Rizal subalit simula noon ay hindi ibinalik. Kaagad naman dumulog sa kinauukulan si Merritt para mabawi ang bata na inihabilin lamang sa kanya ng amang si Christian Merritt na nagtatrabaho sa ibang bansa. Jonie Capalaran
Nursing student nalunod
BULACAN, Philippines – Nagwakas ang kinabukasan ng isang nursing student makaraang malunod sa sapa sa Barangay Ilog Bulo sa bayan ng San Miguel, Bulacan noong Lunes. Hindi umabot pa ng buhay sa San Miguel District Hospital ang biktimang si Maria Katrina Louise Bautista y Santiago, 19, 3rd year student sa Arellano University sa Maynila, at residente ng Cainta, Rizal. Base sa police report, kasama ng biktima ang 14 iba pang nursing student na nag on-the-job training (OJT) sa nabanggit na barangay nang sumalakay si kamatayan. Sinabi ng pulisya na naghuhugas ng paa ang biktima nang tangayin ng malakas na agos. Nasagip naman ng mga kaklase ang biktima at nilapatan ng first aid, subalit mabilis ang karit ni kamatayan. Ayon pa sa ulat na ang 14 na nursing student ay kabilang sa 200 mag-aaral ng Arellano University kasama ang 20 guro na nagsagawa ng programang immersion. Dino Balabo