KIDAPAWAN CITY, Philippines – Halos magutay ang katawan ng isang magsasaka matapos masabugan ng bomba na kanyang dinala sa pag-aaring kubo sa Barangay Bagumbayan sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat kamakalawa.
Bandang alas-11:30 ng umaga nang matagpuan ang duguang katawan ni Ruben Patiag matapos sumabog ang bomba na sinasabing napulot nito.
Ayon sa salaysay ng mga kasama ni Patiag, bago naganap ang pagsabog, isang ’di-pa malamang uri ng bomba ang nakita nila sa sementeryo malapit sa kanilang bukid. Napag-alamang dinala ni Patiag ang bomba sa pag-aaring kubo sa gitna ng palayan kung saan sinasabing inilagay sa ilalim ng kawayang kama bago nagpahinga ang magsasaka.
Malalim na palaisipan sa pulisya kung paano napunta sa bukid ng biktima ang bomba. Malu Cadelina Manar