RIZAL, Philippines – Tatlong armadong kalalakihan na sinasabing sangkot sa serye ng holdapan sa ilang gasolinahan ang bumulagta makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas kahapon ng umaga sa bayan ng Angono, Rizal.
Patuloy naman bineberipika ang pagkikilanlan ng tatlong napatay kabilang na ang isa na putol ang kamay na nasa pagitan ng edad na 35 hanggang 40-anyos
Isinugod naman sa Angono Medics Hospital ang gasoline boy na si Roberto Velez matapos na pagbabarilin ng tatlo sa likod at hita.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Hermino Cantanco, dakong alas-8:40 ng umaga nang makatanggap ang himpilan ng pulisya kaugnay sa nagaganap na holdapan sa Caltex gasoline station sa bisinidad ng Manila East Road.
Kaagad nag-follow-up operation ang pulisya at namataan ang mga suspek na lulan ng kulay puting Hyundai sedan at nagkahabulan.
Kasunod nito nakorner ang mga suspek na imbes na sumuko ay nakipagpalitan ng putok ng baril sa mga alagad ng batas.
Matapos mahawi ang usok ay namataang nakahandusay ang tatlo habang narekober sa loob ng sasakyan ang ’di-pa mabatid na halaga mula sa gas station, M-16 rifle, tatlong maiksing baril at isang granada.
Samantala, nagawa namang makatakas ng drayber ng mga suspek patungong direksyon ng Laguna Lake. Danilo Garcia