Rescue: 2 Abu kidnaper utas
MANILA, Philippines – Dalawang armadong kalalakihan na sinasabing kidnaper ng nalalabi pang hostage na si International Committee of the Red Cross (ICRC) Italian national Eugenio Vagni, ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pang bandido ang nasugatan kabilang ang lider ng mga kidnaper sa na ganap na madugong engkuwentro sa liblib na bisinidad ng Talipao, Sulu kamakalawa.
Sa phone interview, kinumpirma ng opisyal ng pulisya ang pagkamatay ng dalawang kidnaper, na kinilalang sina Angah Adja at Alkaf Abduhadi.
Ayon sa ulat, naganap ang bakbakan sa bahagi ng Sitio Kansirun, Brgy. Mabahay sa bayan ng Talipao bandang alas-10:30 ng umaga ng Linggo.
Dalawa rin sa mga kidnaper ang nasugatan kabilang ang lider na si Commander Pisih at Ibnung Asali bagaman nagawang makatakas sa kasagsagan ng engkuwentro laban sa mga elemento ng pulisya at ng Civilian Emergency Forces.
Wala namang naitalang nasawi at nasugatan sa panig ng mga awtoridad.
Si Vagni at dalawang iba pang bihag na sina Swiss national Andreas Notter at Pinay engineer Mary Jean Lacaba; pawang miyembro ng ICRC ay kinidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf noong Enero 15 sa bayan ng Patikul, Sulu.
Noong Huwebes ng Abril 2 ay pinalaya si Lacaba habang si Notter ay noong namang Sabado ng Abril 18 kung saan nanatili pang bihag si Vagni.
Patuloy naman ginagalugad ng mga awtoridad ang nasabing lugar para matukoy ang kinaroroonan ni Vagni na posibleng kasapitan nito dahil sa karamdaman na kailangang sumailalim na sa operasyon. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending