GRO, inaresto sa pagpuga ng 14 preso
KIDAPAWAN CITY , Philippines – Hawak na ng pulisya kahapon ang isang babae na sinasabing pangunahing suspek sa pagpuga ng 14-preso sa Cotabato City Jail noong Huwebes ng gabi.
Pormal na inindorso sa pulisya ni Senior Jail Officer 2 Nemesio Anggulo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Cotabato City, ang suspek na itinago sa pangalang Donna, 22, namamasukang guest relations officer (GRO) sa General Santos City.
Ayon kay P/Chief Supt. Willie Dangane, chief of police ng Cotabato City, narekober sa suspek ang sulat mula sa presong pumuga na si Samson Sabpa kaugnay sa planong pagpuga ng mga preso.
Napag-alamang Si Sabpa ay naging ka-live-in ni Donna at itinuturing na high risk criminal dahil sa mga kasong murder na kinasasangkutan nito.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Dangane, ang pagsibak sa mga jailguard na naka-assign sa Cotabato City Jail nang maganap ang jailbreak.
“Posibleng maluwag ang seguridad sa loob. Nawalan ng saysay ang pagsisikap naming maipasok sa kulungan ang mga kriminal sa Cotabato City. Ang nakababahala nito, isa sa mga pumugang preso ay suspek sa pagbaril sa isa naming kasamahang pulis,” dagdag pa ni Dangane.
Sa ngayon, tugis pa rin ng pulisya at sundalo ng AFP ang mga pumugang preso na sina Rakman Kanakan, Dalawi Nasser Labing, Kasim Muktar Usman, Haron Salibo Samad, Tashir Nasser Labing, Umbra Rasul Piang, Jailani Kamad, Mimba Agta, Kamaong Datu Ali, Jalon Sabpa, Samson Sabpa, Faisal Dumama, Adam Ibrahim, at si Datu Ali Dumagko. Malu Manar
- Latest
- Trending