KIDAPAWAN CITY, Philippines – Karit ni kamatayan ang naging kabayaran ng isang Comelec official makaraang pagbabarilin ng dalawang maskaradong kalalakihan sa highway ng bayan ng M’Lang, North Cotabato kahapon.
Kinilala ni SPO4 Albert Claudio, deputy chief ng M’lang PNP, ang biktimang napuruhan sa ulo ay si Francisco Micutuan, Comelec official ng bayan ng Tulunan.
Napag-alamang nagmomotorsiklo si Micutuan pa tungo sa kanilang bahay sa bayan ng Matalam nang dikitan at ratratin ng motorcycle-riding assasin sa bisinidad ng Barangay Buayan sa bayan ng M’lang.
Ayon kay Claudio, sinundan ng mga suspek si Micutuan mula sa bayan ng Tulunan at nang mapadako sa nabanggit na highway na walang motorista, saka isinagawa ang pananambang.
Itinuturing si Micutuan ng kanyang mga kasama sa Commission of Elections (Comelec) sa North Cotabato bilang trouble shooter.
“Itinatapon kasi siya sa mga lugar kung saan may problema kapag panahon ng eleksiyon,” pahayag ng isang opisyal ng Comelec sa North Cotabato.
Base sa record ng Comelec, na-assign na si Micutuan sa lalawigan ng Lanao del Sur at sa iba pang lugar sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) para mag-trouble shoot ng mga problema sa halalan.
Pinakahuling assignment ni Micutuan bago napatay ay sa bayan ng Pikit na nasa ikalawang distrito ng North Cotabato.