SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines – Dalawang bata ang maagang binawian ng buhay habang 11 iba ang sugatan matapos magkarambola ang apat na sasakyan sa national highway sa barangay Rizal ng lungsod na ito, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ito ay matapos na bumangga ang isang Hyundai van na sinasakyan ng mga biktima galing piknik sa isang resort sa Ramon, Isabela sa kasalubong na jeep na papalabas sana sa nasabing lungsod noong Linggo ng gabi.
Nakilala ang dalawang bata na hindi na umabot sa pagamutan na sina Jereli Cha vez, 5, at Claire Enriquez, 4, kapwa residente ng Santiago City habang sugatan din ang driver ng van na si Eric Enriquez, 28, ng lungsod na ito.
Nakilala ang ilan sa ibang biktima na sakay ng bumaliktad na van na sina Angelita Telan, 30; Mary Grace Santos, 28; Myrde Bala, 16; Maricel Ramos Enriquez, 26; Mildred Gayapal, 16; Emily Palad, 39 at Enrique Ramos.
Unang nakitang pagewang-gewang umano ang Van bago mahagip ang kasalubong na jeep na naging dahilan naman upang bumangga ang dalawa pang sasakyan na Mitsubishi Lancer at van sa isa pang van na sumusunod sa jeep. (Victor Martin)