Buntis na reporter pisak sa truck
MANILA, Philippines - Napisak ang katawan ng isang buntis na radio reporter habang anim iba pa ang na sugatan makaraang mabangga ng pampasaherong van ng 10-wheeler truck kahapon ng madaling-araw sa Samar.
Kinilala ang nasawing biktima na si Bernadette Acedera, 29, ng Manila Broadcasting Corporation, dySM radio na nakabase sa bayan ng Catarman, Northern Samar at naninirahan sa Mondragon, Northern Samar.
Si Acedera ay nakaupo sa unahang bahagi ng pampasaherong van kung saan naipit ito matapos mayupi sa pagkakasalpok ng truck.
Kabilang sa mga sugatang biktima ay sina Elmer Pasha, Jerome Bang, Jeanette Dancer at si Rachel Unimade.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang trahedya sa highway ng Barangay Pahug sa bayan ng Pinabacdao, Samar sa pagitan ng alas-12 ng hatinggabi at alauna ng madaling-araw kahapon.
Napag-alamang si Acedera ay bibisita sana sa kaniyang mister sa Tacloban City nang makasalubong si kamatayan sa highway.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, na sumulpot sa kabilang linya ng highway ang rumaragasang 10-wheeler truck ni Nestor Calves na pag-aari ng ice plant sa Tacloban City kaya sumalpok sa van ni Reconsider Molino na sinasakyan nina Acedera na nag-iisang nasawi sa trahedya.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries at damage to property, ang drayber ng truck habang nakakulong sa himpilan ng pulisya. Joy Cantos
- Latest
- Trending