Tiyahin ng Bb. PiliÂpinas International itinumba
LEGAZPI CITY, Philippines — Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa negosyanteng tiyahin ng Bb. Pilipinas International makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Buragwis sa Legazpi City, Albay kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa Tachuling Hospital subalit idineklarang patay si Maridel Antonette Gonzales, 44, may-ari ng Chick and Inn Restaurant sa nabanggit na lungsod.
Si Gonzales na nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa katawan ay sinasabing tiyahin ni Melody Gersbach na nahirang bilang Binibining Pilipinas International 2009.
Sa ulat ni P/Supt. Edgardo Ardales, hepe ng pulisya sa Legazpi City, napag-alamang papasok na sana sa bahay ang biktima bandang alas-7:30 ng gabi sa Clarence Street sa Imperial Ridgeview Subdivision nang lapitan at ratratin ng ‘di-kilalang lalaki na nagsitakas sakay ng motorsiklo.
Nabatid din na kasama ng biktima ang kanyang pamangking beauty queen sa motorcade sa Magayon Festival bago ito umuwi at makasalubong si kamatayan.
Blangko pa rin ang pulisya sa motibo ng krimen habang patuloy naman ang follow-up operation. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending