Bisor dedo sa trabahador

BATAAN, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang bisor ng construction firm ng nag-iisang lalaki sa loob ng kanyang barracks sa Barangay Palihan sa bayan ng Hermosa, Bataan kahapon ng madaling-araw. Tatlong bala ng shotgun ang tumapos sa buhay ni Rogelio Arbues, 59, may-asawa, ng Del Pilar St. Pasig City at kawani ng J21 Const. Firm. May teorya ang imbestigador ng pulisya na si PO3 Luis Cabral, na niresbakan ng isa sa trabahador na sinibak ng biktima sa trabaho. Ayon sa pulisya, ang nasabing kompanya ay gumagawa ng overlanes na nagkakahalaga ng P90 milyon proyekto ng national government. Jonie Capalaran

10 mangingisda arestado

BATANGAS, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng 10 kala­lakihan makaraang maaresto ng mga awtoridad sa illegal fishing kamakalawa ng madaling-araw sa karagatan ng Calatagan, Batangas. Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director, ang mga suspek na sina Ronie Asustila, Allan Duenas, Jessie Rona, Jerson Miguel, Narciso Isidro, Ricky Florendo, Yolly Fajarotozo, Richard Aremohanan, Jimmy Areda at isang Mark Anthony. Ayon sa ulat, gumagamit ng pinong lambat ang mga mangingisda, nang maaresto sa may karagatang sakop ng Barangay Poblacion 4 bandang alas-3 ng madaling-araw. Nakumpiska mula sa mga mangingisda ang tatlong cooler box na puno ng sari-saring isda, isang set ng fine mesh net at ang gamit na banka. Arnell Ozaeta

Nagbigti dahil sa sakit

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Isang 49-anyos na misis ang iniulat na nagbigti makaraang ‘di na matiis ang matinding sakit sa tiyan kamakalawa ng umaga sa Purok Oliva, Barangay San Jose sa bayan ng Libon, Albay. Natagpuan ng bunsong anak na si Crisolog Siasa Jr., ang nakabiting sa kuwarto ng kanilang tahanan ang katawan ng kanyang ina na si Merlyn Siasa, 49. Narekober ng pulisya ang suicide note ng biktima. Ed Casulla

Show comments