PAMPANGA, Philippines – Himalang nakaligtas sa karit ni kamatayan ang anim na buwang gulang na sanggol na sinasabing nilapa ng aso na may lahing pitbull noong Linggo ng umaga sa bayan ng Candaba, Pampanga.
Naisugod sa Jose Reyes Memorial Hospital sa Maynila ang batang si Revin Mallari matapos pagtulungang alisin sa bunganga ng aso sa bakuran ng kanilang bahay sa Sitio 3, Brgy. Bahay-Pare sa nabanggit na bayan.
Samantala, ang aso na mang si Bruno ay nakakulong pa rin at patuloy na inoobserbahan bilang bahagi ng proseso kapag nakakagat ng tao.
Ayon sa katiwala ng pamilya Mallari na si Jun Soliman, nakatali ang asong si Bruno sa punongkahoy habang natutulog ang sanggol sa duyan habang namamalantsa naman ang ina nito katabi lamang din ng bata.
Biglang nakalas sa pagkakakadena ang aso at agad na sinakmal sa ulo ang natutulog na bata.
Napag-alamang kay Jan-jan Vargas, may kalakasan ang aso at mahigpit ang pagkakakagat nito sa ulo ng sanggol kayat kahit na apat-katao na ang nagtulung-tulong ay nahirapan silang alisin ang bata. Dino Balabo