Sanggol nilapa ng pitbull
PAMPANGA , Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang sanggol na lalaki matapos lapain ang kanyang ulo ng alagang asong pitbull sa bakuran ng kanilang tahanan sa Barangay Bahay-Pare sa bayan ng Candaba, Pampanga kamakalawa ng umaga.
Inoobserbahan pa ng mga doktor sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Revin Mallari, 6-buwang gulang at anak ng mag-asawang Jun at Ailyn Mallari na naninirahan sa bisinidad ng Sitio Tres sa nabanggit na barangay.
Sa nakalap na impormasyon ng PSNgayon, kasalukuyang nasa duyan ang sanggol nang sagpangin ng pitbull na alyas “Bruno” na nakakadena, bandang alas-11 ng umaga.
Nagkataong nasa paligid lamang ang babaeng kasambahay ng pamilya Mallari ng masaksihan ang insidente kaya mabilis itong humingi ng saklolo sa iba pang kasambahay na kalalakihan.
Dahil sa nag-lock jaw ang pitbull ay nahirapang alisin ng mga sumaklolong kalalakihan ang ulo ng sanggol sa bunganga ng aso.
May teorya ang mga nakasaksi na nagalit sa kaiiyak ng sanggol na nasa duyan ang asong pitbull na malapit sa kinalalagyan ng biktima. (Dagdag na ulat ni Ric Sapnu)
- Latest
- Trending