LUCENA CITY, Quezon, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng dalawang batang babae makaraang sakalin ng kable ng celpon charger ng ’di-pa kilalang lalaki sa tinutulugan nilang kuwarto sa bisinidad ng Purok Masagana sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City, Quezon, kahapon ng umaga.
Sa ulat na tinanggap ni P/Senior Supt. Rodolfo Genaro Ylagan, hepe ng pulisya sa Lucena City, kinilala ang mga napaslang na sina Kimberly Valentin Lat, 13; at Charlene Belgica, 6.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi ay pinatulog ni Leazel ang kanyang anak na si Charlene sa bahay ng kapitbahay nilang si Edna na ina naman ni Kimberly.
Subalit kahapon ng umaga, dakong alas-5:30 ay sinundo niya ang kanyang anak na si Charlene upang gisingin subalit gayun na lamang ang panghihilakbot nito nang silipin sa bintana ng ku warto na kapwa matigas na bangkay ng dalawang bata.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives sa pamumuno ni P/Supt. Rufina Baldovino, may palatandaang pinatay ang dalawa sa pamamagitan ng pagsakal ng kable ng celpon charger.
Dalawang suspek na tinukol lamang sa Alyas Sanre at Jerickson na pinaniniwalaang sangkot sa pamamaslang ang iniimbestigahan na ngayon ng pulisya. (Tony Sandoval)