MANILA, Philippines - Isinailalim na sa restricted custody ang dalawa sa apat na sundalong intelligence operatives na isinabit sa rape slay ng anak na dalaga ni New People’s Army Com mander Leoncio Pitao alyas Commander Parago.
Ayon kay Major Gen. Reynaldo Mapagu, commander ng Army’s 10th Infantry Division, ipinag-utos na niya ang restriction sa mga suspek na sina Cpl. Alvin Bitang at isang tinukoy lamang sa apelyidong Pedregoza na kapwa miyembro ng Military Intelligence Battalion.
Ang dalawa pa na sina Sergeants Adan Sulao at Ben Pinait ay hindi naman tauhan ni Mapagu dahil nakatalaga ang mga ito sa Region XI Military Intelligence Group (MIG).
Sinabi ni Mapagu na ang hakbang ay upang madaling maiprisinta sina Bitang at Pedregoza sa imbestigasyon kaugnay sa pagdukot at pagpatay kay Rebelyn Pitao, 21, gurong anak ni Commander Parago.
Magugunita na ang bangkay ni Rebelyn na may tama ng saksak sa dibdib at nakasuot lamang ng punit na underwear ay narekober sa irrigation canal sa Panabo City, Davao del Norte noong Marso 5, isang araw matapos itong kidnapin.
Ang apat na intelligence operatives ay pinararatangan ni Commander Pitao na sangkot sa pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa kaniyang anak.
Samantala, nakahanda at tatapatan ng AFP ang napaulat na paghihiganti ng mga tauhan ng rebeldeng New People’s Army ni Commander Leoncio Pitao alyas Kumander Parago kaugnay sa sinapit ng kanyang anak na guro na dinukot saka ni-rape slay ng mga suspek.
Kasabay nito hinamon naman ni Brig. Gen. Gau dencio Pangilinan Jr., hepe ng Civil Relation Office ng AFP ang NPA rebs na maglabas ng ebidensya sa paratang na ang AFP ay sangkot sa karumaldumal na krimen.
Kaugnay nito, tiniyak ni Mapagu ang kooperasyon ng militar sa isinasagawang imbestigasyon at sinabing hindi niya kukunsintihin ang sinuman sa kaniyang mga tauhan na makakagawa ng pagkakamali. Joy Cantos