Lider ng kidnap-for-ransom itinumba
BATAAN, Philippines – Pinaniniwalaang paghihiganti ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lider ng kidnap-for-ransom gang sa harapan ng banko sa Balanga City, Bataan kamakalawa ng hapon.
Dalawang bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ni Bootah Singh, 49, Indian national na sinasabing lider ng KFR na may operasyon sa Central Luzon at Metro Manila.
Sa record ng pulisya, si Singh na bumibiktima ng kapwa Bumbay ay naaresto ng pulis-Bataan sa Quezon City sa kasong kidnapping noong 2007 at kasalukuyang nakapiit sa Bataan Provincial Jail bago mapatay.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Benjamin Silo, hepe ng Balanga City PNP, lumilitaw na nakaupo sa harapan ng service van ng provincial jail ang biktima kasama ang nag-iisang jailguard na si Raymar Regencia nang lapitan at ratratin ng ‘di-kilalang lalaki.
Napag-alamang nagpa-escort lamang ang biktima patungong banko para mag-withdraw ng malaking halaga kaugnay sa negosyong 5-6.
Naging palaisipan naman sa taumbayan ang paglabas sa kulungan ni Singh na may patung-patong na kasong kriminal kahit walang pahintulot ang korte.
Nalalagay naman sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang pamunuan ng provincial jail na nag-utos para makalabas ng kulungan ni Singh at makapag-withdraw ng pera sa banko na nag-iisa lamang ang escort.
- Latest
- Trending