CEBU , Philippines – Trahedya ang sumalubong sa pagbabakasyon ng dalawang turistang Tsino makaraang malunod habang sumisisid sa karagatan ng Tingo Island sa Olango, Lapu-Lapu City, Cebu kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang na sina Pang Chi Lung, 44 at Cheung Joanne Wai, 28, kapwa naka-billet sa Paradive Scuba Diving Resort sa Sitio Boot, Brgy. Punta Engaño sa Lapu-Lapu City. Kabilang ang dalawa sa apat na Tsino diver mula sa Hong Kong na dumating sa bansa noong Biyernes.
Base sa ulat ni PO1 John Philip Silmaro, lumilitaw na nag-scuba diving ang dalawa kasama ang ilang turistang Tsino at ang diving instructor na si Cheung Hung Kam. Makalipas ang 40-minuto ay nabigong lumutang ang dalawa kaya kaagad namang sinisid ng kanyang mga kasama.
Matapos matagpuan ang dalawa ay isinugod sa Mactan Doctors Hospital subali’t kapwa idineklarang patay. (Joy Cantos)