BATANGAS , Philippines – Apat na magkakapatid na menor-de-edad ang iniulat na namatay matapos makulong sa nasusunog nilang tahanan sa bayan ng Padre Garcia, Batangas, kahapon ng madaling-araw.
Animo’y uling ang katawan ng mga biktimang sina Paula Mariz, 9; Prell Marilyn, 8; Prell Monique, 6; at si Patrick Marlon, 5, na pawang may apelyidong Bolaños at naninirahan sa Barangay Payapa sa nabanggit na bayan.
Sa ulat ni Senior Inspector Von Nicasio, operations chief ng Batangas Bureau of Fire, lumilitaw na natutulog ang pamilya Bolaños nang mahulog ang gasera sa sahig na kawayan na nagbunsod para kumalat ang apoy sa buong bahay na gawa sa kahoy bandang alas-12:20 ng madaling-araw.
Mabilis namang nagising ang nakatatandang kapatid ng magkakapatid na si Paul Mark,11, na agad na gumising sa kanilang amang si Apolinario na natutulog sa unang palapag ng kanilang bahay at kapwa nakaligtas sa nasabing sunog.
“Ginising daw ni Paul Mark ‘yung magkakapatid bago pumunta sa tatay niya sa ibaba ng bahay, pero hindi pala sumunod pababa ‘yung kanyang mga kapatid kaya nakulong nang biglang kumalat ang apoy,” ani Fire Officer 3 Osmundo Balbastro, Padre Garcia fire chief.
Nakaligtas din ang ina ng mga bata na si Maria na noo’y papunta sa plaza para sunduin ang panganay na anak na si Pauline May, 12, na nanonood ng variety show para sa nalalapit na kapistahan.
Isasailalim sa autopsiya ang mga labi ng magkakapatid.