PNCC official dedo sa ambus
CAMP VICENTE LIM , Laguna – Dalawang bala sa ulo at mukha ang tumapos sa buhay ng isang opisyal ng Philippine National Construction Corp. (PNCC) makaraang tambangan ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa highway sa Barangay San Isidro, sa bayan ng Cabuyao, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Moises Pagaduan, Cabuyao police chief ang biktimang si Rolando Serrano, 49, chief investigator ng PNCC, at residente ng Barangay Bilog-bilog Tanauan City, Batangas.
Napag-alamang papasok na sa trabaho si Serrano at binabagtas ang highway lulan ng Toyota Corolla na may plakang TMJ-893 nang pagbabarilin bandang alas-6 ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon, walang kaugnayan sa robbery ang motibo dahil hindi nawala ang pera, cell phone, baril at iba pang personal na gamit ng biktima. Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. (Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)
- Latest
- Trending





















