Isang 17-anyos na dalaga ang nasawi makaraang gahasain at bugbugin ng dati niyang kasintahan sa San Ildefonso, Ilocos Sur.
Ayon kay Ilocos Sur Provincial Police Office Director Senior Superintendent Virgilio Fabros, ang bangkay ng biktimang si Mary Ann Flores ay natagpuan dakong ala-1:20 ng hapon kamakalawa sa isang taniman ng tubo sa Barangay Gongoong ng nasabing bayan.
Nadakip naman ng pulisya ang suspek na si Michael Donato, 19-anyos, na siyang huling nakitang kasama ni Flores patungo sa isang resort sa lugar.
Sinabi ni Fabros na ang bangkay ng biktima ay tadtad ng malalalim na pasa at sugat sa katawan na indikasyong binugbog ito ng salarin.
Kasalukuyan ring isinasailalim sa awtopsya ang bangkay nito upang alamin kung ginahasa nga ang biktima base sa nakitang pamamaga ng duguang ari nito.
Si Flores ay huling nakitang buhay sa bahay nito sa Barangay Bayubay, San Vicente dakong alas-8:00 noong Miyerkules ng gabi nang sunduin umano ni Donato na residente ng Barangay Nambaran, Sto. Domingo, ng nasabi ring munisipalidad.
Ayaw sana umanong sumama ng dalaga sa dating kasintahan dahil nakipagkalas na siya rito subali’t namilit ang nasabing lalaki sa pagsasabing puwede naman silang maging magkaibigan na lamang at niyaya itong lumabas para sa isang salu-salo sa kanilang paghihiwalay.
Sumakay sila sa motorsiklo patungo sa isang kubo sa Fuerto Beach Resort sa Barangay Calay-ab, Sto. Domingo.
Gayunman, kinabahan ang pamilya ni Flores matapos na mabigong umuwi sa kanilang tahanan ang dalaga kaya inireport ang insidente sa mga awtoridad.
Ayon sa teorya ng mga awtoridad, posibleng labis nainsulto si Donato sa pakikipaghiwalay dito ng kasintahan kaya nagawa ang krimen.