Pulis-CIDG nag-suicide
BAGUIO CITY – Naging palaisipan sa mga imbestigador ng pulisya ang misteryosong pagkamatay ng isang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-CAR matapos itong matagpuan sa loob ng sasakyan na may tama ng bala sa ulo noong Linggo ng madaling-araw sa parking lot ng mall sa kahabaan ng Naguillan Road, Baguio City.
May tama ng bala ng baril sa ulo ang 43-anyos na si SPO3 Ernesto de Gula Jr. ng CIDG-Car regional office. Naniniwala naman ang pulisya na si SPO3 de Gula Jr. ay may kasama sa loob ng kulay silver gray Honda CRV (WND585) na nakaparada sa Cooysesan Mall sa nabanggit na lugar.
Natagpuan pa sa kamay ni SPO3 de Gula ang kargadong cal. 45 baril habang isang basyong bala ang natagpuan malapit sa bangkay ng biktima.
Napag-alamang bago matagpuan ang biktima ay na katanggap ng text message ang anak nitong 15-anyos na nagsabing, “Patawarin n’yo ako sa lahat ng aking kasalanan, iuwi n’yo ang bangkay ko, ihingi n’yo ako ng kapatawaran sa Diyos, mahal na mahal ko kayo.”
Hindi naman naniniwala ang pamilya ng biktima na magagawa nitong mag-suicide. (Artemio Dumlao at Joy Cantos)
- Latest
- Trending