AFP vs NPA: 17 patay

Umaabot sa labing-isang rebeldeng New People’s Army at anim na kawal ng militar ang iniulat na napatay sa panibagong sagupaang naganap sa kagubatan ng Sitio Tinupungan sa Brgy. Sta. Cruz sa bayan ng Que­zon, Bukidnon kamakalawa ng umaga.

Ayon sa hepe ng Army’s 4th Infantry Division na si Major Gen. Ricardo David Jr., na nakabase sa Caga­yan de Oro City, tumagal ng 3-oras ang sagupaan sa Sitio Ti­nupungan hanggang sa kanugnog na Sitio Lipa sa Brgy. Sta. Cruz na tumagal naman ng 4-oras na bak­bakan.

Kasalukuyang bineberi­pika ang pagkikilanlan ng mga rebeldeng napatay habang hindi muna tinukoy ang mga pangalan ng sun­dalo hangga’t hindi naipa­paalam sa mga kinauuku­lang pamilya.

Napag-alamang nakub­kob ng tropa ng militar ang kampo ng mga rebelde kung saan dalawa sa mga kala­ban ang napatay habang ma­rami naman ang nasu­gatan.

Natagpuan sa nasabing kampo ng Central Mindanao Regional Committee ang NPA ang mga foxholes, bunker, post, mga kubo at training area na ginagamit ng NPA sa mga bago nitong recruit.

Namataang tumatakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng hangganan ng Bukidnon, Davao at Agusan matapos makasagupa ang tropa ng Army’s 29th Infantry Battalion (IB) sa pamu­muno ni 2nd Lt. Theodore Soriano. (Joy Cantos)

Show comments