AFP vs NPA: 17 patay
Umaabot sa labing-isang rebeldeng New People’s Army at anim na kawal ng militar ang iniulat na napatay sa panibagong sagupaang naganap sa kagubatan ng Sitio Tinupungan sa Brgy. Sta. Cruz sa bayan ng Quezon, Bukidnon kamakalawa ng umaga.
Ayon sa hepe ng Army’s 4th Infantry Division na si Major Gen. Ricardo David Jr., na nakabase sa Cagayan de Oro City, tumagal ng 3-oras ang sagupaan sa Sitio Tinupungan hanggang sa kanugnog na Sitio Lipa sa Brgy. Sta. Cruz na tumagal naman ng 4-oras na bakbakan.
Kasalukuyang bineberipika ang pagkikilanlan ng mga rebeldeng napatay habang hindi muna tinukoy ang mga pangalan ng sundalo hangga’t hindi naipapaalam sa mga kinauukulang pamilya.
Napag-alamang nakubkob ng tropa ng militar ang kampo ng mga rebelde kung saan dalawa sa mga kalaban ang napatay habang marami naman ang nasugatan.
Natagpuan sa nasabing kampo ng Central Mindanao Regional Committee ang NPA ang mga foxholes, bunker, post, mga kubo at training area na ginagamit ng NPA sa mga bago nitong recruit.
Namataang tumatakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng hangganan ng Bukidnon, Davao at Agusan matapos makasagupa ang tropa ng Army’s 29th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni 2nd Lt. Theodore Soriano. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending