Tiyahin todas sa pamangkin
NUEVA ECIJA, Philippines – Isang elementary school principal ang iniulat na napaslang makaraang mabaril ng kanyang pamangkin na tangkang pagpakamatay sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Balbalungao sa bayan ng Lupao, Nueva Ecija noong Martes ng hapon.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, nakilala ang biktima na si Erlinda Mabunga, 59, ng Balbalungao Elementary School.
Nakilala naman ang suspek na si Lloyd Jaramilla, 26, na ngayon ay nasa kritikal na kalagayan sa Heart of Jesus Hospital na nagbaril din sa dibdib matapos na mabaril ang kanyang tiyahin.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpapahinga ang biktima nang makarinig ito ng putok ng baril mula sa bahay ng kanyang pamangkin.
Kaagad naman tinungo ng biktima ang pamangkin at namataang may hawak na baril.
Sa puntong iyon ay agad na sinunggaban ng biktima ang baril subalit sa hindi inaasahan ay aksidenteng naiputok ng pamangkin at tinamaan sa leeg ang kanyang tiyahin.
Isinugod naman sa San Jose City District Hospital ang biktima subalit idineklarang patay. Christian Ryan Sta. Ana
- Latest
- Trending