Pinugutan dahil sa panliligaw
BULACAN, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 46-anyos na magsasaka na sinasabing umakyat ng ligaw sa isang dalaga makaraang pagtulungan pugutan ng mag-ama sa Barangay Pulong Sampaloc sa bayan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Nakilala ang biktima na si Pastor Flores Jr, magsasaka at residente ng Barangay Sta. Lucia, Angat, Bulacan, habang naaresto naman ang mag-amang suspek na sina Monico Basay y Andrales, 48; at anak nitong si Jessie Basay, 26, kapwa residente ng Sitio Maibay sa nabanggit na barangay.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Lorenzo Paynor, lumilitaw na bumisita si Pastor sa bahay ng mag-amang suspek na may bitbit na bote ng alak at pulutan para makipagkuwentuhan.
Palibhasa’y pawang magsasaka at magkakakilala ay agad na nagpaunlak ang mag-ama.
Sa kasagsagan ng inuman ng alak at kantahan ay inungkat ni Pastor sa matandang Basay ang kagustuhan nitong ligawan ang nag-iisang anak na babaeng si Manilyn Basay, na naging biyuda sa edad na 21-anyos.
Dahil sa matanda na ang biktima at may-asawa pa ay hindi pumayag si Manilyn na paligaw kaya humantong sa pagtatalo dahil sa walang ginawa ang mag-ama na himukin ang nililigawan.
Kasunod nito, tinangkang bunutin ng biktima ang itak sa kanyang baywang subalit pinalo siya ng gitara ni Jessie kaya bumulagta dahil na rin sa kalasingan sa alak.
Sinamantala naman ng matandang Basay na makuha ang itak sa loob ng kanilang bahay hanggang sa maganap ang malagim na krimen.
Sa follow-iup operation ng pulisya, naaresto naman ang mag-amang suspek partikular na ang duguang itak at gitara na ginamit sa pamamaslang.
- Latest
- Trending