BATANGAS, Philippines – Hindi na naisilang ng isang buntis na negosyante ang sanggol sa sinapupunan makaraang ratratin ng mga di-pa kilalang kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Pinagtungulan sa Lipa City, Batangas kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Mary Mediatrix Hospital ang biktimang si Rosalia Estolano, 30, ng Barangay Bolbok, Lipa City habang nakaligtas naman ang asawa nitong si Gary.
Base sa ulat na nakarating kay P/Supt. Francisco Rodriguez, hepe ng pulisya sa Lipa City, bandang alas-10:30 ng gabi habang nakasakay ang biktima sa Isuzu AUV na minamaneho ng kanyang asawang si Gary patungo sa di-nabatid na lugar para idaos ang Valentine’s Day nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihan na sakay ng Honda CRV.
Pansamantalang di-tinukoy ng pulisya ang motibo ng pananambang habang patuloy ang imbestigasyon. (Arnell Ozaeta)