MMDA enforcer tiklo sa kotong
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Rehas na bakal ang binagsakan ng isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) makaraang maaktuhang nangongotong sa manager ng pribadong kompanya sa isinagawang operation sa bayan ng Biñan, Laguna kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director ang suspek na si Philip Solorio, 41, ng Brgy. Sto Tomas, Biñan, Laguna at nakatalaga bilang MMDA Traffic Aide II sa Muntinlupa City. Naaresto si Solorio matapos magreklamo ang operation manager ng Grand Frontier Shuttle Services kaugnay sa pangingikil ng una ng P3,000. Napag-alamang nagkasundo ang manager ng kompanya at si Solorio na magkita sa Dakuk’s Bar and Restaurant sa Brgy. Canlalay para iabot ang hinihinging pera. Lingid kay Solorio ay nakipag-ugnayan na sa pulisya ang nabanggit na manager. Kaagad naman naaresto ng pulisya si Solorio sa pangunguna ni P/Senior Inspector Vicente Cabatingan. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending